
MAKATI CITY — Ipinatupad ng Makati Life Medical Center ang bagong alituntunin sa outpatient medicines sa ilalim ng Makati Health Plus o Yellow Card Program, alinsunod sa direktiba ng City Government of Makati.
Noong Abril 30, 2026, nakatanggap ang Makati Life ng liham mula sa Office of the City Administrator kaugnay ng pagtigil ng outpatient pharmaceutical dispensing sa ilalim ng Yellow Card Program. Ang direktiba ay orihinal na nakatakdang ipatupad noong Mayo 1, 2026.
Upang matiyak ang maayos na paghahanda at transition para sa mga pasyente, nagkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng Makati Life at City Government of Makati, dahilan upang ma-defer ang implementasyon hanggang Mayo 30, 2026.
Sa panahong ito, humiling ang Makati Life ng pagpupulong upang mapag-usapan ang mga detalye at mekanismo ng pagpapatupad. Matapos ang deferment period, itinuloy ang implementasyon ng direktiba simula Mayo 31, 2026.
Sa nasabing pagpupulong, ibinahagi ng City Government of Makati na ito ay bahagi ng mga hakbang upang mapangalagaan ang sustainability ng Yellow Card Benefit Program. Nilalayon nitong masiguro ang patas na alokasyon ng resources para sa lahat ng benepisyaryo.
Simula Mayo 31, 2026, hindi na saklaw ng Yellow Card sa Makati Life ang outpatient prescriptions at take-home medications. Gayunpaman, magpapatuloy ang pagbibigay ng mga gamot na ginagamit habang naka-confine o sumasailalim sa emergency treatment bilang bahagi ng pangangalaga sa pasyente.
Makakaasang patuloy na nakikipagugnayan Ang Makati Life sa City Government of Makati upang magbigay solusyon sa pag-konekta ng sistema ng mga pharmacy na siyang magpapatatag sa sustainability ng libreng gamot sa ilalim Yellow Card program.
Maaari pa ring bumili ng iniresetang gamot sa OPD Pharmacy ng Makati Life sa cash basis. Patuloy ding tutulong ang hospital team sa pagbibigay ng available at mas abot-kayang alternatibong gamot kung kinakailangan.
Nilinaw din ng Makati Life na magpapatuloy ang iba pang serbisyo sa ilalim ng Yellow Card Program, kabilang ang consultations, diagnostic procedures, emergency care, confinement, at iba pang serbisyong pang-ospital.
Nananatiling nakatuon ang Makati Life sa maayos, malasakit, at patient-centered na serbisyo habang patuloy na nakikipag-ugnayan sa City Government of Makati para sa maayos na pagpapatupad ng bagong alituntunin.
Para sa anumang katanungan, magtungo lamang sa Yellow Card Help Desk na nasa Ground Floor, Outpatient Pharmacy mula Lunes hanggang Huwebes, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

